Pagkapaso, Pangalawang Antas
Ang paso ay nangyayari kapag ang balat ay nalantad sa labis na init, araw o matapang na kemikal. Ang pangalawang antas ng pagkasunog ay mas malalim kaysa sa unang antas nito. Ito ay karaniwang nagdudulot ng paltos. Ang paltos ay nananatiling buo at unti-unting nawawala ng kusa. O maaari itong pumutok. Ang layunin ng gamutan ay upang maibsan ang pananakit at maiwasan ang impeksiyon habang gumagaling ang pagkasunog.
Pangangalaga sa Tahanan
Mga gamot: Gumamit ng gamot sa pananakit ayon sa ipinag-uutos. Kung walang niresetang gamot para sa pananakit, maaari kang gumamit ng acetaminophen (katulad ng Tylenol) o ibuprofen (katulad ng Motrin o Advil) upang kontrolin ang pananakit. TANDAAN: Kung ikaw ay may pangmatagalang sakit sa atay o bato o nagkaroon ng ulcer sa sikmura o pagdurugo sa GI, huwag gamitin ang mga gamot na ito ng hindi kinokonsulta sa iyong doktor.
Pangkalahatang Pangangalaga
-
Sa unang araw, maaari kang maglagay ng malamig na compress (maliit na tuwalyang binabad sa malamig na tubig) upang paginhawahin ang pananakit.
-
Kung ikaw ay pinauwi na buo pa ang paltos, huwag itong paputukin. Ang panganib ng impeksiyon ay mas mataas kung ang paltos ay pumutok. Kung sakaling pumutok man ang paltos:
-
Kung ang sukat ng paltos ay wala pang 3 pulgada, maaari kang gumamit ng malinis na gunting upang gupitin ang balat na natanggal. Wala kang madarama dito kaya ito ay hindi masakit. Ang gunting ay dapat munang hugasan gamit ang sabon at tubig, pinahiran ng alkohol, pagkatapos ay binanlawan muli ng tubig. Matapos tanggalin ang nasirang paltos, sundin ang mga tagubilin sa ibaba.
-
Kung ang paltos ay mas malaki sa 3 pulgada, humingi ng tulong medikal upang tanggalin ang paltos at linisin ang sugat.
-
Kung nilagyan ito ng benda, palitan ito ng isang beses sa isang araw, maliban kung sinabihan ng iba. Kung mabasa o madumihan ang benda, palitan ito sa pinaka-unang pagkakataon. Upang palitan ang benda:
-
Hugasan ang iyong mga kamay.
-
Tanggalin ang lumang benda. Kung ang benda ay dumikit, ibabad ito sa maligamgam na tumatakbong tubig.
-
Kapag natanggal na ang benda, marahang hugasan ang dako gamit ang sabon at maligamgam na tubig upang matanggal ang anumang cream, ointment, tagas o langib. Maaari mong gawin ito sa isang lababo, sa ilalim ng gripo ng tub o sa shower. Banlawan ang sabon at marahang punasan upang matuyo gamit ang malinis na tuwalya.
-
Magsuri para sa mga senyales ng impeksiyon na nakalista sa ibaba.
-
Ilagay muli ang anumang iniresetang antibayotikong cream o ointment.
-
Takpan ang paso gamit ang gasang hindi dumidikit. Pagkatapos ay ibalot ito sa benda.
-
Paminsan-minsan, maaaring magkaroon ng impeksiyon sa kabila ng tamang paggagamot. Suriin ang paso araw araw para sa mga senyales ng impeksiyon na nakalista sa ibaba.
Mag-Follow Up
sa iyong doktor o ayon sa ipinayo ng aming staff.
Kumuha Ng Agarang Medikal Na Atensyo Kung Mangyari Ang Alinman Sa Mga Sumusunod:
Mga senyales ng impeksiyon:
-
Lagnat na mas mataas sa 100.4°F (38℃)
-
Tumitinding pananakit
-
Tumitinding pamumula o pamamaga, o nana na lumalabas mula sa paso
-
Pulang mga marka sa iyong balat na nagmumula sa paso
Online Medical Reviewer:
Foster, Sara, RN, MPH
Date Last Reviewed:
1/1/2017
© 2000-2025 The StayWell Company, LLC. Lahat ng mga karapatan ay nakalaan. Ang impormasyong ito ay hindi nilalayon bilang kapalit ng propesyonal na medikal na pag-aalaga. Laging sundin ang mga tagubilin ng inyong propesyonal sa pag-aalaga ng kalusugan.