Related Reading
A B C D E F G H I J K L M N O P Q R S T U V W X Y Z A-Z Listings

Karamdaman Sa Paghinga Na Viral may Kasamang Paghingang may Pagsipol (Adulto)

Mga broncial tube

Mayroon kang karamdaman sa paghinga na viral (URI), na isa pang termino para sa karaniwang sipon. Kapag ang impeksiyon sanhi ng virus ay nagdudulot ng maraming iritasyon, maaaring humilab ang mga daanan ng hangin. Maaari itong maging sanhi ng pag-ubo, paghingang may pagsipol, at kakapusan ng hininga.

Nakakahawa ang sakit na ito na sanhi ng virus sa mga unang ilang araw. Naikakalat ito sa hangin sa pamamagitan ng pag-ubo at pagbahin. Maaari din itong maikalat sa pamamagitan ng tuwirang pagkontak. Ito ay sa pamamagitan ng paghawak sa taong may sakit at pagkatapos ay paghawak sa iyong mata, ilong o bibig. Ang madalas na paghuhugas ng kamay ay makakatulong na mapababa ang panganib.

Karamihan sa mga sakit na viral ay nawawala sa loob ng 7 hanggang 10 araw sa pahinga at simpleng pangangalaga sa sarili. Kung minsan, maaaring magtagal ang karamdaman ng ilang linggo. Hindi mapapatay ng mga antibayotiko ang virus at karaniwang hindi ipinapayo para sa kalagayang ito.

Pangangalaga sa tahanan

  • Kung malala ang mga sintomas, magpahinga sa bahay sa unang 2 hanggang 3 araw o ayon sa itinagubilin. Kapag ipapagpatuloy mo ang gawain, huwag hayaan ang iyong sarili na labis na mapagod.

  • Kung naninigarilyo ka, huminto. Magtanong sa iyong tagapangalaga ng kalusugan kung kailangan mo ng tulong.

  • Lumayo sa usok ng sigarilyo ng ibang tao. Huwag hayaang manigarilyo ang mga tao sa iyong bahay o kotse.

  • Maaari kang gumamit ng acetaminophen o ibuprofen upang makontrol ang pananakit at lagnat, malibang may ipinayong ibang gamot. Uminom lamang ng gamot ayon sa itinuro sa etiketa. Makipag-usap sa iyong tagapangalaga bago gamitin ang mga gamot na ito kung mayroon kang pangmatagalang sakit sa atay o kidney, nagkaroon na ng ulser sa sikmura o pagdurugo ng pantunaw, o umiinom ng mga pampalabnaw ng dugo. Huwag kailanman magbigay ng aspirin sa sinumang wala pang 18 taong gulang na may sakit sanhi ng impeksiyon ng virus o lagnat. Maaari itong magdulot ng malalang pinsala sa atay o sa utak, o maging kamatayan.

  • Maaaring wala kang ganang kumain kaya't mainam ang magaan na diyeta. Manatiling may tubig ang katawan sa pamamagitan ng pag-inom ng 6 hanggang 8 baso ng mga likido bawat araw (tubig, soft drinks, mga juice, tsaa, o sabaw). Nakakatulong ang karagdagang likido na mapaluwag ang mga bara sa ilong at mga baga.

  • Hindi mapapaigsi ng mga over-the-counter na gamot sa sipon ang karamdaman ngunit maaaring makatulong para sa sumusunod na mga sintomas: ubo, pananakit ng lalamunan, pagbabara ng ilong. Magtanong sa iyong tagapangalaga ng kalusugan o parmsyutiko kung aling gamot na nabibili nang walang reseta ang gagamitin. Huwag gumamit ng mga decongestant, kung mayroon kang mataas na presyon ng dugo maliban kung sasabihin sa iyo ng iyong tagapangalaga na OK ito.

  • Maaari kang resetahan ng bronchodilator na gamot upang makatulong sa paghinga at mapabuti ang paghingang may pagsipol. Maaari itong isang tableta, isang inhaler, o likido na gagamitin sa isang nebulizing machine. Ginagawang singaw ng makina ang gamot para malanghap. Sundin ang lahat ng tagubilin sa paggamit ng mga gamot na ito. Mahalagang palaging gamitin ang tamang pamamaraan kapag gumagamit ng mga bronchodilator.

Follow-up na pangangalaga

Mag-follow up sa iyong tagapangalaga ng kalusugan, o ayon sa ipinayo.

Kailan hihingi ng medikal na payo

Tumawag kaagad sa tagapangalaga ng iyong kalusugan kung alinman sa mga ito ang mangyari:

  • Ubo na may maraming may kulay na plema

  • Ang mga problema sa paghinga ay hindi gumagaling sa loob ng 2 hanggang 3 araw

  • Malalang pananakit ng ulo; pananakit ng mukha, leeg o tainga

  • Hirap sa paglunok dahil sa masakit na lalamunan

  • Lagnat na 100.4ºF (38ºC) o mas mataas , o ayon sa itinagubilin ng iyong tagapangalaga ng kalusugan

Tumawag sa 911

Tumawag sa 911 kapag nangyari ang alinman sa mga ito:

  • Pananakit ng dibdib o paninikip ng dibdib

  • Lumalalang kakapusan sa hininga, paghingang may pagsipol, o nahihirapan sa paghinga

  • Pag-ubo ng dugo

  • Pakiramdam na mamamatay

  • Pakiramdam na pagkahimatay o nahihilo

  • Nagkukulay asul, lila, o abo ang mga labi o balat

  • Hindi makapagsalita

  • Napakatinding sakit kapag lumulunok, lalo na kung ito ay sumasabay sa mahinang boses

Online Medical Reviewer: Allen J Blaivas DO
Online Medical Reviewer: Daphne Pierce-Smith RN MSN
Online Medical Reviewer: Ronald Karlin MD
Date Last Reviewed: 6/1/2022
© 2000-2025 The StayWell Company, LLC. Lahat ng mga karapatan ay nakalaan. Ang impormasyong ito ay hindi nilalayon bilang kapalit ng propesyonal na medikal na pag-aalaga. Laging sundin ang mga tagubilin ng inyong propesyonal sa pag-aalaga ng kalusugan.
Powered by Krames by WebMD Ignite
Disclaimer